Friday, November 25, 2016

Gamot sa Mabahong Kilikili: Mga Pwedeng Ipahid

gamot sa mabahong kilikili


Lahat tayo ay pwedeng magkaroon ng mabahong kilikli, anghit o putok lalung-lalo na yung mga tao na maraming magpawis.

Kapag kasi may pawis, lapitin ito ng bacteria na siyang nagpapabaho ng katawan lalung-lalo na yung mga singit-singit gaya ng kilikili.

Thursday, November 10, 2016

Gamot sa Hangover: Maraming Nainom na Alak? Narito ang Solusyon.

gamot sa hangover


May birthdayan, o kaya naman ay may simpleng get-together lang. Sa mga ganitong okasyon, syempre, hindi mawawala ang inuman.

Nagpakasaya ka nang todo, at uminom nang todo. Minsan lang naman ika nga. Pero kinabukasan, pag-gising mo, may hangover ka.

Paano nga ba malalaman kung may hangover ka? At paano ito mawawala? Basahin ang sumusunod na sintomas at gamot sa hangover.


Sintomas ng hangover


Masasabing ikaw ay may hangover dahil sa sobrang pag-inom ng alak kung ikaw ay nakakaramdam ng mga sumusunod:

  • Labis na pananakit ng ulo
  • Pananakit ng katawan
  • Pagkahilo
  • Panlalata, panlalambot o panghihina
  • Labis na pagka-uhaw
  • Gutom
  • Pananakit ng tiyan at nagtatae
  • Pagsusuka
  • Wala sa focus



Gamot sa hangover


Ang hangover ay mawawala nang kusa kahit wala kang ginagawa kundi ang magpahinga. Pero para mabilis mawala ang iyong hangover, gawin ang mga sumusunod:

1. Uminom ng paracetamol.


Upang mawala ang nararamdamang pananakit ng ulo at katawan, makakatulong ang pag-inom ng paracetamol. Ayon sa Kalusugan.ph, uminom ng 2 tabletas nito.

2. Uminom ng tubig o juice.


Ang pag-inom ng alak ay nagiging sanhi ng pagka-dehydrate ng katawan kaya pag-gising mo, uhaw ka. Di ba kapag nag-iinuman, madalas kang umiihi? Kapag madalas kang umihi, nawawalan ka ng tubig sa katawan. Kaya kung may hangover ka, palitan ang nawalang tubig sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig o juice. Ang pag-inom ng tubig o juice ay makakatulong din para mapalitan ang nawalang tubig ng dahil sa iyong pagtatae at pagsusuka.

3. Kumain ng pagkain na may sabaw.


Dahil nga dehydrated ka kapag may hangover, kailangan mong magdagdag nang magdagdag ng tubig sa katawan. Pinaka-okay kung kumain ka ng sopas o lugaw. Madali din ang mga ito na nguyain.

4. Kung wala pang ganang kumain ng kanin, kumain ng tinapay o biscuits.

Kung hindi ka makapagsaing at makapagluto dahil sa hangover mo, bumili muna ng tinapay o biscuits sa tindahan. Bukod sa dehydrated ka, bumababa din ang sugar level ng iyong katawan kapag ikaw ay labis na nag-inom. Kaya naman ay nakakaramdam ka ng pagkahilo, panghihina at gutom.

5. Kumain ng prutas na saging.


Kapag nagtatae dahil sa hangover, bukod sa nawawalang tubig, nawawalan ka din ng electrolytes gaya ng potassium. Para mapalitan ang nawalang potassium, kumain ng saging.

6. Habaan pa ang tulog.


Para tuluyang mawala ang hangover, matulog pa ulit o magpahinga. Kahit nakakain ka na, medyo mahilo-hilo ka pa rin. Kaya naman, magpahinga pa ulit.


Kung may katanungan tungkol sa hangover, mag-comment lang sa baba.


References:

Gamot at lunas sa hangover o sobrang paginom ng alak
Solusyon para sa hangover


Tuesday, November 1, 2016

Tuesday, October 11, 2016

Ano ang Gamot sa Ubo at Sipon?

gamot sa ubo at sipon


Marami sa'tin ang madalas na nagkakaubo at sipon na maaaring dulot ng pabago-bagong klima ng Pilipinas. Kaya kung ikaw ay mayroong ubo at sinisipon, narito ang mga ilang bagay na maaari mong gawin para mabigyan ito ng lunas.

Monday, October 10, 2016

Ano ang Gamot sa Tonsil?

gamot sa tonsil

Ano ang tonsil o tonsillitis?


Una sa lahat, ang tamang tawag kapag namamaga ang iyong lalamunan ay "tonsillitis" hindi "tonsil." Lahat ng tao ay may tonsils, ito yung organ o parte ng lalamunan na namamaga.

Pero sige, dahil Pinoy tayo, mahilig tayo sa shortcut, kaya ang sakit na tonsillitis ay mas kilala sa'tin na tonsil.

Friday, September 9, 2016

Ano ang Gamot sa Mataas na Uric Acid?

gamot sa uric acid

Ano ang uric acid at sanhi ng pagtaas nito?

Ang uric acid ay isang uri ng kemikal na nabuo sa katawan na maaaring nagmula sa mga pagkaing mayayaman sa "purine" gaya ng atay, lamang-loob, pulang karne, sardines, mackerel, at iba pa.

Tuesday, August 16, 2016

Home Remedies Para sa Sakit ng Ulo

gamot sa sakit ng ulo


Gamot sa sakit ng ulo


Maraming sanhi ang pananakit ng ulo. Depende sa sanhi, iba't ibang paraan ang paggamot dito. Pero para sa mga taong madalas nakakaranas ng "normal" na pananakit ng ulo, maaaring gawin ang mga sumusunod na home remedies:

Monday, June 20, 2016

Para Saan ang Vitamin E?

Image Source
Ano ang vitamin E?


Ang vitamin E o tocopherol ay isang uri ng bitamina na natutunaw sa mga taba. Ito ay kilala sa pagiging mayaman nito sa antioxidant properties o anti-cancer properties. Matatagpuan ang vitamin E sa vegetable oils, karne, itlog, prutas at gulay.

Ano ang maitutulong ng vitamin E sa katawan?


Maraming maidudulot ang vitamin E sa katawan gaya ng:
  1. Pagkakaroon ng malinaw na mga mata
  2. Malusog na balat
  3. Pagsugpo sa mga sakit sa puso at mataas na presyon
  4. Pagsupil sa sakit na diabetes
  5. Pagpigil sa mga iba't ibang uri ng cancer gaya ng cancer sa lalamunan at baga
  6. Pag-iwas sa pagkakaroon ng Alzheimer's disease at iba pang mga sakit sa nervous system
  7. Pag-iwas sa pagkakaroon ng komplikasyon na dulot ng pagbubuntis

Ano ang mga pagkaing mayaman sa vitamin E?


Ayons sa World Health Foods, ang mga pagkaing may pinakamayamang source ng vitamin E ay ang mga sumusunod:
  1. sunflower seeds
  2. almonds
  3. spinach
  4. swiss chard
  5. avocado
  6. peanuts
  7. turnip greens
  8. asparagus
  9. beet greens
  10. mustard greens

Wednesday, June 15, 2016

Ano ang Gamot sa UTI?

Image Source




Ang urinary tract infection (UTI) ay ang pagkakaroon ng impeksyon sa daluyan ng ihi o urinary system.


Sanhi ng UTI


  1. Hindi sapat ang iniinom na tubig. Mas nagiging marami ang konsentrasyon ng bacteria sa ihi kapag mahina kang uminom ng tubig.
  2. Pagpipigil ng ihi. Ang ihi ay natural na may bacteria, kaya kapag hindi agad ito inilabas, naiipon ang bacteria sa pantog.
  3. Poor hygiene. Kapag hindi hinugasan nang ayos ang puwerta o vagina, naiiwan ang bacteria sa daanan ng ihi.
  4. Madalas na pagkain ng tsitsirya at pagkaing maaalat. Maaaring magdulot ng sakit sa bato o kidneys na nagiging sanhi naman ng hirap sa pag-ihi.
  5. Pakikipagtalik. Pagkahawa sa taong may UTI sa pamamagitan ng pakikipagtalik - honeymoon cystitis.

Sintomas ng may UTI


Maaaring malaman kung ikaw ay may UTI kung nararanasan mo ang alinman sa mga sintomas na ito:

  • Minsan wala
  • Mahapdi o masakit na pag-ihi
  • Madalas na pag-ihi pero laging kakaunti
  • Pananakit sa bandang pantog
  • Madilaw o malabong dilaw na ihi
  • Mamula-mulang ihi (may kasamang dugo)
  • Amoy kalawang na ihi
  • Pananakit ng bandang likuran
  • Panghihina o panginginig
  • Pagkakaroon ng lagnat (dulot ng impeksyon)

Pwede ring malaman kung ikaw ay may UTI sa pamamagitan ng pagpapa-laboratory na urinalysis - nasa halagang 50 pesos.

Gamot sa UTI


Antibiotic


  1. Uminom ng antibiotic. Ayon kay Dr. Willie Ong, ang mga antibiotic na pwedeng inumin para sa UTI ay Amoxicillin 500mg tablet, na nagkakahalaga lamang ng 5-10 pesos. Uminom ng Amoxicillin 3x sa 1 araw sa loob ng 3 araw. (8am-1pm-6pm)
  2. Kung hindi gumaling ang UTI sa Amoxicillin, mag-shift sa Ciprofloxacin 500mg tablet pero mas mahal na gamot, at inumin ito 2x sa 1 araw hanggang sa gumaling - kadalasan 3-5 days. (8am-6pm)

Home Remedies sa UTI


  1. Uminom ng maraming tubig. 8-12 glasses per day
  2. Uminom ng buko juice o cranberry juice. Nakakatulong magpaihi dahil uri sila ng diuretic.
  3. Maglagay ng heating pad sa may bandang puson para guminhawa ang pakiramdam.
  4. Kumain ng pinya. Nagpapataas ng acidity sa loob ng katawan dahil ayaw ng bacteria ang acidic environment.
  5. Lahukan ng 1 kutsaritang baking soda ang 1 basong tubig. Binabawasan nito ang acidity ng ihi para mabalanse ang acidity at basicity. 

Sources:
Pinoy MD Question of the Week: Ano ang puwedeng lunas sa urinary tract infection o UTI? 
Impeksiyon sa ihi o UTI 
Ano ang UTI? Sintomas, sanhi, lunas, gamot at remedies o treatments

Thursday, June 9, 2016

Nakakagaling Nga Ba ang Pagkain ng Malansa ng Taong May Bulutong?

Image Source


HINDI nakakabilis ng pag-galing ang pagkain ng malansa para sa taong may chickenpox o bulutong tubig.


Isa ito sa mga kasabihan ng matatanda na hindi natin dapat sundin at hindi na dapat pang palaganapin.

Bakit ba nila nasabi na mabilis na nakakagaling ang pagkain ng malansa para sa taong may bulutong?


Ayon sa kanila, ang pagkain ng malansang pagkain ay nakakatulong para "pumutok" agad ang bulutong. At kapag pumutok na ito agad, mabilis na raw itong maghihilom - na siya namang gusto ng lahat.

Kung ating iisipin, para nga namang may sense ang paliwanag nila. Kung mabilis pumutok ang matubig-tubig na pantal ng may bulutong, mabilis itong matutuyo at gagaling.

Pero kung mas iisipin nating mabuti, ang pagpapakain ng malansang pagkain sa taong may bulutong ay MALI.

Bakit hindi dapat pakainin ng malansang pagkain ang taong may bulutong?


Ang taong binubulutong ay nakakaranas ng pangangati, at ang malalansang pagkain ay nagdudulot din ng pangangati. Bakit pa natin kailangang dagdagan ang pagdurusa ng mga taong may ganitong sakit sa balat.

At kapag pinakain pa natin sila ng malalansang pagkain gaya ng mamantikang isda, alamang, bagoong at iba pa, mas mangangati sila lalo. Anong mangyayari? Kakamutin nila ito at malamang sa malamang, magsusugat ang kanilang balat dahil sa iritasyon, na magdudulot naman ng impeksiyon.

Di ba ang kabilin-bilinan ng mga doktor, HUWAG kakamutin ang balat. Bakit pa naman natin sila bibigyan ng "trigger" para magkamot sila?

Paano gagaling agad kung hindi papaputukin ang bulutong?


Hindi na kailangang paputukin pa o pagtitirisin ang mga matubig-tubig na bulutong para gumaling. Kusa itong matutuyo. Parang kapag napaso ka at lumobo yung balat na napaso, pagkalipas ng ilang araw, wala na yung tubig sa napaso mong balat - naging "flat" na ulit yung balat.

Narito ang karagdagang ebidensya na di dapat pakainin ng malalansa ang mga may bulutong:


Foods to Avoid for Chicken Pox
5 Foods to Avoid when you have Chicken Pox
Foods To Avoid When You Have Chicken Pox

Monday, May 30, 2016

Ano ang Mabisang Gamot sa Singaw?

gamot sa singaw


Nagkaroon ka na ba ng singaw?

Ang singaw ay maliit na pabilog na sugat sa bibig o dila (pwede rin sa lalamunan) na sobrang sakit at hapdi sa pakiramdam lalung-lalo na kung nasasagi ito.

Sa sobrang sakit ng singaw, halos hindi ka na makakain nang maayos. Ang iba nga ay nagloloko pa na mabisang pang-diet ang singaw.

Pero ano nga ba ang mabisang gamot sa singaw?


Gamot sa singaw


1. Magmumog ng maligamgam na tubig na may asin.


Kapag may singaw tayo, ang kadalasang home remedy na inirerekomenda sa atin ay ang pagmumumog ng maligamgam na tubig na may asin. Pero paano nga ba ito nakakagamot ng singaw?

Ang asin kasi ay may kakahayang magpatuyo ng singaw. Di ba, ang singaw ay may lamang tubig na kaunti? Para bumilis ang paggaling nito, kailangang mawala yung tubig sa singaw at mabilis na matuyo.

Parang kapag kumain tayo ng pagkaing maalat. Di ba mabilis tayong nauuhaw? Kasi yung asin, parang sinisipsip yung tubig sa katawan.

Samantalang ang maligamgam na tubig naman ay nakakatulong magbigay ginhawa sa bibig, dila o lalamunan. Ang mainit na tubig kasi ay may kakayahang magpawala ng pamamaga at sakit na nararamdaman sa singaw.

Madali lang magprepare ng home remedy na ito. Magpakulo ng tubig. Magbuhos ng tubig sa baso o tasa. Haluan ng 1 kutsarang asin, o basta kaya mo yung alat.

2. Magmumog ng maligamgam na tubig na may baking soda.


Ayon kay Dr. Marie ng BuhayOFW.com, pwede ring magmumog ng maligamgam na tubig na may baking soda.

O kaya naman ay gawin mong parang paste yung baking soda sa pamamagitan ng paghahalo ng kaunting tubig lamang. Pagkatapos ay ipahid ito sa singaw na parang ointment.

3. Gamutin ang singaw gamit ang Agua Oxygenada.


Dahil ang singaw ay isang uri ng sugat, pwede itong gamutin gamit ang Agua Oxygenada o Hydrogen Peroxide. Makakabili nito sa grocery stores at drug stores.

Para gamitin ito sa singaw, ihalo ang Agua Oxygenada sa kaparehong dami ng tubig. Tapos ay ipahid na ito sa singaw gamit ang bulak.

4. Mag-ngata ng yelo.


Kung ayaw mo naman magmumog ng maligamgam na tubig na may halong asin o baking soda, pwede kang mag-ngata ng yelo.

Ang malamig kasi ay nakakatulong din para maibsan ang pananakit at pamamaga na dulot ng singaw.

5. Magtapal ng hilaw na sibuyas sa singaw.


Ang sibuyas ay mayroong antibacterial properties na nakakatulong magpagaling ng sugat gaya ng singaw.

Hayaang nakatapal ang sibuyas sa singaw sa loob ng 2-3 minuto. Gawin ito 3x a day.

6. Magpiga ng vitamin E capsule at ipahid sa singaw.


Ayon kina Carol Mulvihill, RN at Mary Lou Willoughby, RN, magpiga ng vitamin E capsule at ipahid ang oil nito sa singaw. Gawin ito 3x a day.

Tandaan. Pipigain at ipapahid yung laman ng vitamin E capsule, hindi iinumin yung capsule.

Nakakatulong kasi ang pagpahid ng vitamin E oil sa pag-aalis ng pananakit at nararamdamang pagkairita dulot ng singaw.

7. Kumain ng yogurt.


Panoorin ang video interview ni Dr. Willie Ong kung paano nakakatulong ang yogurt sa paggamot ng singaw.



Ano pang gamot sa singaw ang alam niyo? Comment na!


References:


Singaw (Canker Sores or Mouth Sores): Sanhi, Lunas at Natural Remedies
Singaw (Mouth Sores)
Canker Sore Remedies


Thursday, May 19, 2016

Ano ang Gamot sa Ulcer?

gamot sa ulcer


Ano ang ulcer?


Ang ulcer ay "sugat" sa loob ng tiyan. Maaaring ito ay gastric ulcer o duodenal ulcer. Kung ikaw ay may gastric ulcer, ito ay ulcer sa stomach organ. Samantalang ang duodenal ulcer naman ay ulcer sa mataas na parte ng small intestine.


Sintomas ng ulcer


Bagamat may iba't ibang uri ng ulcer, narito ang mga sintomas ng ulcer sa pangkalahatan:

  • Pwedeng walang nararamdaman
  • Pananakit ng tiyan mula pusod hanggang dibdib na parang humihilab
  • Pananakit ng tiyan tuwing gabi
  • Paglaho ng pananakit ng tiyan kapag kumain
  • Mas matinding pananakit ng tiyan kapag walang nakain
  • Pabalik-balik na pananakit ng tiyan
  • Pagsusuka o nasusuka
  • Puno ng hangin ang tiyan
  • Acid reflux
  • Heartburn


Sintomas ng malalang ulcer


Kapag malala na ang iyong ulcer, ang mga sintomas na makikita sayo ay ang mga sumusunod:

  • Pagsuka ng may dugo
  • Pagdumi ng may dugo o maitim yung dumi
  • Pamumutla (anemia)
  • Pagkahilo


Bakit nagkakaroon ng ulcer?


Nagkakaroon ng ulcer ang isang tao dahil sa mga sumusunod:

  • Bacteria na H. pylori
  • Matagal o palagiang pag-inom ng NSAIDs o pain relievers
Kapag may H.pylori, numinipis ang "lining" ng tiyan kaya naman kapag nadikitan ng asido sa loob ng tiyan ay nakakaramdam ng pananakit.

Iba pang sanhi o mga nagpapalala ng ulcer

Ang pinaka-sanhi talaga ng pagkakaroon ng ulcer ay ang bacteria na H. pylori, pero kadalasan, ang mga sumusunod ay isa rin sa mga pinaniniwalaang sanhi o nagpapalala ng ulcer ng isang tao:

  1. Stress - Nagpapalala ng ulcer sapagkat lalong dumarami ang pagproproduce ng asido sa loob ng tiyan.
  2. Pag-inom ng kape at alak - Ito ay mga acidic na inumin.
  3. Paninigarilyo - May mga kemikal ang sigarilyo na nagpapabagal para gumaling agad ang taong may ulcer
  4. Pagkain ng matatabang pagkain - Nagpapalala ng ulcer kasi lalong naiirita ang tiyan.
  5. Pagpapalipas ng gutom - Nagpapalala ng ulcer kasi lalong nananakit ang tiyan kapag walang kinakain.

Ano ang gamot sa ulcer?


Narito ang ilang lunas para gumaling ang iyong ulcer:

  1. Uminom ng antibiotic na inireseta ng doktor. Nireresetahan ng antibiotic ang taong may ulcer kapag nakitaan ng H. pylori bacteria sa loob ng tiyan.
  2. Uminom ng gamot na antacid o mga gamot na nagpapababa ng asido sa loob ng tiyan. Ang karaniwang gamot na ibinibigay ay Omeprazole at Ranitidine.
  3. Uminom ng yogurt imbis na gatas. Ang yogurt ay may kakayahang ibalanse ang asido ng tiyan. Kaya rin naman ito ng gatas, pero kung ikaw ay nagtatae sa gatas, yogurt na lang.
  4. Buksan ang butones ng pantalon o luwagan ang sinturon para guminhawa ang pakiramdam. Kapag masyadong masikip ang iyong suot na pang-ibaba, nagdudulot ito ng pagtaas ng pressure sa tiyan.


Para hindi pabalik-balik ang iyong ulcer, siguraduhing huwag ma-stress, bawasan ang pag-inom ng kape at alak, huwag manigarilyo, bawasan ang pagkain ng matatabang pagkain, at huwag magpalipas ng gutom.


References:

Peptic Ulcer Disease
Ulcer o ulser: Sanhi, sintomas, gamot, lunas at paano maiwasan
Lunas sa ulcer o acidic


Wednesday, May 11, 2016

Ano ang Gamot sa Almoranas?

gamot sa almoranas

Ano ang almoranas?

Kapag ikaw ay may almoranas (hemorrhoids), para kang may maliliit na bukol sa palibot ng iyong puwet. Itong mga parang maliliit na bukol na ito na nahahawig sa cauliflower ay mga namagang ugat ng iyong puwet.

Friday, May 6, 2016

Mga Antibiotic Para sa Ubo

antibiotic para sa ubo


Kapag ikaw ay may ubo, madalas ay may kaakibat itong impeksiyon. Kaya naman kung mapapansin mo, ang mga nireresetang gamot ng iyong doktor ay may kasamang antibiotic.

Bagamat ang gamit ng antibiotic ay para puksain ang anumang impeksiyon, hindi lahat ng antibiotic ay mabisang gamot para sa ubo.

May mga antibiotic na talagang ginawa para sa ubo gaya ng mga sumusunod:

*Ang listahan ng mga generic na gamot para sa ubo ay mula dito sa website ng The Generics Pharmacy. Para malaman kung anong brand, klase ng antibiotic sa ubo ang kailangan at dosage nito, itanong sa iyong doktor.

  1. Acetylcysteine
  2. Ambroxol
  3. Bromhexine HCL
  4. Butamirate Citrate
  5. Carbocisteine
  6. Dextromethorphan HBr
  7. Dichlorobenzyl Alcohol + Amymetacresol
  8. Guaifenesin

Para sa mas detalyadong listahan ng mga antibiotic para sa ubo, bisitahin ang pahinang ito: Cough and Cold Remedies.

Thursday, April 28, 2016

Paano Patahanin ang Baby?


Kung umiiyak ang iyong baby, ang pagpapatahan nito ay depende sa kung anong dahilan. Narito ang iba't ibang dahilan kung bakit umiiyak ang sanggol at paano sila patahanin.

1. Puno na ang diaper ni baby. 


Ito ang isa sa mga kaunahang dapat niyong tingnan. Baka puno na ang diaper ni baby at ang dumi/ihi ay nagdudulot ng pagkairita sa kanyang puwet. Para tumahan si baby, linisin ang kanyang puwet at palitan ang diaper para guminhawa ang kanyang pakiramdam.

2. Nagugutom si baby.


Kung malinis pa naman ang diaper, marahil ay nagugutom na ang iyong sanggol. Pasusuhin siya para tumigil ang pag-iyak. Ayon sa Kalusugan.ph, dapat pasusuhin ang baby na may edad 1-6 months ng 8-12 beses sa loob ng isang araw.

3. Naiinitan o nalalamigan si baby.


Kung hindi naman gutom ang iyong anak, baka naman umiiyak siya dahil sa mainit o malamig na panahon. Pinagpapawisan ba siya? Nanginginig ba siya? Alinman sa dalawang ito, dapat presko si baby kung naiinitan, o dapat nakasuot siya ng makakapal na damit kung nalalamigan.

4. Gusto nang matulog ni baby.


Ang iyong sanggol ay maaaring pagod na. Ihele siya para makatulog o haplus-haplusin. Pwede mo rin siyang pasusuhin para makatulog.

5. Nakagat ng insekto si baby.


Tingnan ang buong katawan ng iyong sanggol kung may mapupulang butol o rashes. Para maalis ang pangangati, haplusin ang balat nang dahan-dahan. Huwag kakamutin. Pwede mo ring lagyan ng baby powder para mabawasan ang pangangati. Para hindi na makagat ng insekto si baby, gumamit ng kulambo nang walang makapasok na anumang insekto gaya ng lamok.

Friday, April 22, 2016

Pwede bang Putulan ng Kuko ang Bagong Silang na Sanggol?


Ang mga kuko ng bagong silang na sanggol ay mabilis humaba. Minsan pa nga, pagkapanganak pa lang nito ay may mahaba na silang mga kuko.

Ang tanong ng mga magulang ngayon ay kung pwede ba silang putulan ng kuko? Marahil sa pangambang pwedeng masaktan ang sanggol sa pagpuputol ng kuko ay kaya nila ito naitatanong.

Oo, maaari at kailangang putulin ang mahabang kuko ng bagong silang na sanggol.

Bakit kailangang putulin ang mahabang kuko ng sanggol?


Ang sanggol ay malikot, lalo na ang mga kamay nito. Maaaring makalmot niya ang kanyang sarili at mukha kung siya ay may mahahabang kuko.

Ano ang ligtas na paraan para putulan ng kuko ang sanggol?


Ang kuko ng sanggol ay mas malambot kumpara sa kuko ng mga matatanda. Pwede kang gumamit lang ng nail file o emery board para bawasan ang mahabang kuko.


Pwede rin gumamit ng nail cutter na para talaga sa mga sanggol. Iwasan ang paggamit ng nail cutter ng mga matatanda para putulan ang kuko ng bata. Baka mas mahagip pa ang balat nito.


Sources:

Baby Centre UK
LiveStrong

Image Sources: 1 / 2

Wednesday, April 13, 2016

Ano ang mucous myoma at mga sanhi nito?


Ang myoma ay isang klase ng tumor sa uterus o matris ng babae. Ang myoma ay nangangahulugang "fibroid tumor" o mala-hiblang tumor. Bagamat ito ay isang tumor, ito ay cancer na hindi gaanong mapanganib, o yung tinatawag nating benign cancer lamang.

May tatlong uri ng myoma:

1. Subserous - ang tumor ay nasa labas lamang ng matris
2. Intramural - pinaka-pangkaraniwang uri ng myoma, ang tumor ay nasa haligi ng matris
3. Submucous - pinaka-nagdudulot ng maraming sakit sa babae sapagkat ang tumor ay nasa uterine lining at pwede pang umextend sa uterine cavity

Ano ang sintomas ng mucous myoma?

Ngayon, ang ating pag-uusapan ay ang submucous myoma. Sa Pilipinas, nakaugalian ng tawagin ng mga doktor ang submucous myoma ng mucous myoma lamang.

Kapag ikaw ay may mucous myoma, makakaramdam ka ng matinding pananakit sa iyong puson habang ikaw ay nireregla.

Mapapansin mo rin na mas malakas at mas matagal kang nireregla kung ikaw ay may mucous myoma.

Ano ang itsura ng mucous myoma?

Para malaman kung ano ang itsura nito, panoorin ang video:


Ano ang sanhi kung bakit nagkakaroon ng mucous myoma?

Sa anumang klaseng uri ng myoma, hindi tiyak ang kadahilanan kung bakit nagkakaroon ng ganitong sakit ang mga babae.

Pero ayon sa mga eksperto, madalas magkaroon ng myoma ang mga babae kung sinapitan na sila ng regla dahil ang katawan nila ay nag-proproduce ng mas maraming estrogen.

Ang estrogen ay isang uri ng hormone na tumutulong para ma-develop ang female characteristics ng mga babae.

Kung menopause na ang babae, unti-unting mawawala na rin ang myoma.

Paalala:

Kung may nararamdamang matinding pananakit habang nireregla, magpakonsulta na agad sa doktor upang malapatan ng angkop na lunas.

Tuesday, April 5, 2016

Kailan Nakakakita ang Bagong Silang na Sanggol?


Maraming bagong ina ang nababahala dahil hindi mapirmi o maka-focus ang mata ng bagong silang na sanggol, ngunit ito ay normal lamang.

Lingid sa kaalaman ng iba, ang bagong silang na sanggol ay maaari nating sabihing bulag pa o hindi pa nakakakita, sapagkat ang "nakikita" lamang nila ay ang mga kulay na itim, puti at grey. Bukod dito, nakaka-detect din ang bagong silang na sanggol ng ilaw at paggalaw ng mga bagay.

Kailan nga ba nakakakita ang mga sanggol?

Pagkalipas ng mga ilang araw, marerecognize na ng sanggol ang mukha ng kanilang ina lalo na't pag malapit ang mukha nila habang nagpapasuso.

Pagkatapos ng isang buwan, magagawa nang makipag-eye contact ng sanggol at makakita ng mga bagay na may layong 12 pulgada.

Asahan na habang lumalaki ang sanggol ay mag-iimprove ang paningin nito lalo na't pagsapit nila ng 1 taon.


Sources:

All About Vision
Baby Center

Thursday, March 31, 2016

Toothpaste Para Sa Paso. Pwede Ba Talaga Ito?

Noong napaso ang tuhod ko noong bata pa lamang ako, ang lunas na ginawa ng nanay ko ay pahiran ito ng toothpaste at pinagbilinan akong huwag pisain ang blister (lumobong paso na nagtubig).

Bakit naging pangkaraniwang gamot ang toothpaste sa paso?


Tinanong ko ang nanay ko, bakit toothpaste eh pang-ngipin yun. Ang sabi niya malamig kasi ang toothpaste kaya nakakatulong ito sa pagkawala ng init ng paso. At nakakatulong ito para mawala ang nararamdamang sakit ng pagkapaso dahil may "numbing properties" ito o pampamanhid.

Gumaling naman ang aking paso ng toothpaste lamang ang ginagamot sa tuhod ko.

Pero gamot ba talaga ang toothpaste sa paso?


Noong hindi na ako isang musmos at mas nagkaisip na ako, hindi pala talaga okay na pahiran ng toothpaste ang paso.

Bagamat maraming health websites o home remedy websites ang sumasang-ayon sa pagpahid ng toothpaste sa paso, ang ilang mga doktor ay hindi sang-ayon dito lalung-lalo na kung may "open wound" o sugat ang napasong parte ng katawan.

Kaya hindi nirerekomenda ng mga doktor na pahiran ng toothpaste ang paso kasi ito ay hindi "sterile" - hindi malinis kumbaga. At kapag pinahiran ng hindi sterile na bagay ang anumang sugat gaya ng paso, maaaring magka-impeksyon.

Ano ngayon ang pinakamainam na gamot para sa paso?


Imbis na toothpaste, ipinapayo ng mga doktor na itapat lamang ang napasong parte ng katawan sa ilalim ng dumadaloy na tubig sa gripo para maibsan ang init at sakit ng paso. Kusa na itong maghihilom pagkalipas ng mga ilang araw.

Para sa malalang paso, kailangan nang dalhin sa ospital.


Photo Credit:

From Home Remedies World

Friday, March 25, 2016

Gamot sa Pagtatae o LBM

Ang sanhi ng pagtatae o LBM ay iba't iba ang dahilan. Pero ang pinaka-pangkaraniwan kung bakit nasisira ang iyong tiyan ay dahil sa may nakain kang sirang pagkain o nakainom ka ng maruming tubig.

Para gamutin ang pangkaraniwang pagtatae, gawin ang mga sumusunod:


Palitan ang nawalang tubig sa katawan. 


Kada pagkatapos magtae, uminom ng tubig. Kung sa karaniwan ay inaadvise na uminom ng 8 basong tubig sa isang araw, gawin itong 10 basong tubig.

Pwede ring uminom ng sports drink gaya ng Gatorade sapagkat nakakatulong itong manumbalik ang iyong lakas at pinapalitan nito ang nawalang electrolytes sa katawan gaya ng sodium at potassium.

Huwag agad uminom ng gamot sa pagtatae. 


Inaadvise ng mga doktor na huwag muna agad uminom ng gamot sa pagtatae gaya ng Loperamid (Imodium). Hayaan munang makadumi ang nagtatae para mailabas ang anumang nakaing panis na pagkain o kontaminadong tubig. Base sa aking karanasan, hinahayaan ko munang makadumi ako ng 3 beses bago ako uminom ng Loperamide.

Mga dapat iwasang kainin at dapat kainin kapag nagtatae:


Kapag nagtatae, huwag muna kumain ng pagkaing magatas, mamantika at matataba. Huwag din munang magkape at uminom ng alak. Sapagkat ang mga pagkaing ito ay nagpapalala ng pagkasira ng tiyan.

Pinakamainam na kainin ng nagtatae ay sopas ng manok, gelatin at lugaw. Pakainin din ang nagtatae ng saging at mansanas para tumigas ulit ang kanyang dumi. Kung gusto naman kumain ng tinapay, pwede ang plain flavor ng Skyflakes.



Ang pagtatae ay kadalasang nawawala sa loob ng 2-3 araw. Pero kung mahigit na dito at sobrang lala na ng pagtatae (sobrang panghihina, lubog na lubog ang mga mata, may dugo ang dumi, at iba pa), dalhin na ang pasyente sa ospital.


Sources:

http://kalusugan.ph/ano-ang-gamot-sa-pagtatae-o-diarrhea/
http://www.philstar.com/psn-opinyon/2014/02/06/1287202/pagtatae-ano-ang-solusyon

Tuesday, March 22, 2016

Gaano Kadalas Dapat Inumin ang Bioflu

Ang Bioflu ay kilalang gamot para sa lagnat at trangkaso. Kumpara sa simpleng brand ng Paracetamol, ang Bioflu ay may kakayanan na lunasan ang baradong ilong, sipon, pagbahing, pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at lagnat.

Bioflu: Frequency ng pag-inom nito


Ang mga simpleng gamot sa lagnat ay karaniwang ipinapainom tuwing ika-4 na oras. Pero kung ang iyong gamot ay Bioflu, huwag itong ibigay tuwing ika-4 na oras.

Ayon sa Unilab at product details ng Bioflu, ito ay dapat inumin tuwing ika-6 na oras (Halimbawa: 12 noon - 6 pm - 12 mn - 6 am).


Kaya naman mga kababayan, napaka-importanteng magbasa.

Tuesday, March 8, 2016

Ano ang Dapat Gawin Kapag Mababa ang Presyon?

gamot sa low blood pressure

Masasabing ikaw ay may low blood pressure o mababang presyon ng dugo kung ang iyong presyon ay nasa 90/60 mmHg o mas mababa pa dito.

Sintomas ng low blood pressure

Ang sintomas ng low blood pressure ay halos hindi nalalayo sa mga sintomas ng mataas na presyon gaya ng:
  • pananakit ng ulo
  • pagkahilo
  • panlalabo ng mata
  • panghihina
  • panlalamig
  • pagkahingal o mabilis na pagkapagod

Ang iba pang unique na sintomas nito ay:

  • mabilis ngunit mahinang pulso
  • pagkauhaw
  • kawalan ng focus at depresyon
  • pananakit ng tiyan 
  • pamumutla ng balat
  • pagkahimatay 

Ano ang dapat gawin para maibsan ang mababang presyon ng dugo?


Narito ang mga simpleng lunas para sa iyong low blood pressure:
  • Uminom ng maraming tubig para maibsan ang pagkauhaw.
  • Kumain ng mga pagkain na medyo maalat sapagkat ang sodium na galing sa maaalat na pagkain ay nakakatulong makapagpataas ng presyon.
  • Mag-unat unat nang bahagya o igalaw-galaw ang mga kamay at paa para may dumaloy na dugo sa katawan at mawala ang iyong pamumutla.
  • Kung ikaw ay hinihingal o napapagod pa, humiga ng mas mataas ang ulo kaysa paa, o kaya ay umupo na lamang.
  • Kumain nang madalas pero untian lamang ang iyong pagkain para hindi ka manghina.
  • Magsuot ng compression stockings o kahit medyas para dumaloy ang mas maraming dugo sa iyong upper body.

Mayroon bang iniinom na gamot para sa low blood pressure?

Ayon sa WebMD, ang mga karaniwang gamot na binibigay sa mga taong may low blood pressure ay Fludrocortisone at Midodrine. Bago uminom ng mga gamot na ito, siguraduhin munang nagpa-checkup ka sa doktor.

Pero kadalasan, ang simpleng low blood pressure ay hindi na nangangailangan ng medikasyon at maaaring bumalik sa normal ang iyong presyon kung gagawin mo ang mga home remedies na nakasaad sa taas.

Thursday, February 25, 2016

Paano Ihanda ang Halamang Gamot na Oregano Para sa Ubo

Paano Ihanda ang Halamang Gamot na Oregano Para sa Ubo
oregano halamang gamot para sa ubo 

  1. Pumitas ng 15 dahon ng oregano o hanggang sa mapuno ang isang tasa ng dahon. Hindi talbos ng oregano ang pinipitas, kundi yung malalaki nang dahon. Piliin ang mga dahon na walang sira ng mga insekto.
  2. Hugasan ang mga pinitas na dahon.
  3. Ilagay ang mga dahon sa isang takure o anumang pwedeng pagpakuluan. Pagkatapos ay lagyan ito ng 3 tasang tubig.
  4. Pakuluan ang mga dahon sa loob ng 10-15 minutes.
  5. Inumin ang isang tasa ng pinakuluang oregano. Uminom nito 3 beses isang araw. (umaga, tanghali, gabi)
Base sa aking karanasan noong ako ay may ubo, ang lasa ng pinakuluang oregano ay medyo mapait at matabang. Kaya naman ang ginagawa ng nanay ko dati ay pinipigaan niya ng isang kalamansi yung isang tasa ng oregano at nilalagyan niya ng isang teaspoon ng asukal. Sa iba, hinahaluan nila ito ng honey.

Source: http://kalusugan.ph/halamang-gamot-para-sa-ubot-sipon-oregano/

Wednesday, February 17, 2016

Strepsils: Gamot Para sa Masakit na Lalamunan o Sore Throat

 
Kung masakit ang iyong lalamunan (sore throat), maaari kang bumili ng Strepsils. Ang Strepsils ay available sa halos lahat ng botika gaya ng South Star Drug, Watsons, Mercury, The Generics Pharmacy, at iba pa. Hindi na ito nangangailangan ng reseta ng doktor para ikaw ay makabili.

Ang Strepsils ay parang candy lamang, hugis bilog at matamis. Available ito sa iba't ibang flavors. Mayroong original flavor, honey and lemon, blackcurrant, cherry, orange, strawberry, at iba pa.

Bisitahin ang website na ito para malaman ang pinaka-angkop na flavor ng Strepsils para sa iyong sore throat: http://www.strepsils.co.uk/products/

Bawat flavor kasi, may kanya-kanyang indikasyon. Halimbawa, ang Strepsils Original ay para sa ordinaryong pananakit ng lalamunan. Pero kung ikaw ay may diabetes at nananakit ang iyong lalamunan, ang pinakamainam na flavor sa'yo ay strawberry kasi ito yung sugar-free.


Paano gamutin ang sore throat gamit ang Strepsils?

  1. Kumuha ng isang Strepsils candy (lozenge).
  2. Sipsipin ang Strepsils nang dahan-dahan hanggang maubos. Huwag itong kakagatin. Hayaang matunaw.
  3. Para mas mabilis guminhawa ang iyong lalamunan, mag-Strepsils kada ika-2 o ika-3 oras. Pero huwag hihigit sa 12 na Strepsils sa loob ng 24 oras. 

Mga dapat tandaan sa pag-gamit ng Strepsils

  1. Ang Strepsils ay angkop lamang para sa mga may edad na 16 years old pataas.
  2. Kung nais gamutin ang bata ng Strepsils, dapat siya ay at least 6 years old. Mayroong pambatang Strepsils.
  3. Hindi dapat gamutin ng Strepsils ang mga batang below 6 years old.
  4. Kung ikaw ay buntis o kaya naman ay may asthma, kumonsulta muna sa doktor bago gumamit ng Strepsils.

Wednesday, February 10, 2016

Bawang: Home Remedy Para sa Buni

gamot sa buni


Kung ikaw ay may buni at wala kang anti-fungal cream para ipangpahid dito, maaari mong gawing home remedy ang bawang.

Ang bawang ay kilala pampababa ng presyon pero ang halamang gamot na ito ay mabisa ring pangtanggal ng buni.



Preparasyon:

1. Kumuha ng 1 clove ng bawang.
2. Alisin ang balat at dikdikin.
3. Ipahid ang dinikdik na bawang sa buni hanggang mamula.
4. Magpahid ng dinikdik na bawang pagkagising sa umaga at bago matulog.

Tandaan, bago ipahid ang dinikdik na bawang sa buni, siguraduhing nakapaglinis ka muna ng katawan.

Thursday, February 4, 2016

5 Nurses Who Helped Shape the Nursing History Other Than Florence Nightingale

florence nightingale nursing history
The nursing history has undergone a lot of speculations and theories on when it actually began.Some say that it started as early as the 5th century where Hippocrates was considered as the father of nursing. And then came along the explosion of wars during the Middle Ages where most women (and even men) played the role of nurses by tending to the sick and wounded despite the lack of formal education and training.

But this soon changed when the “Lady of the Lamp” known as Florence Nightingale stepped into the field during the 19th century.Having the right education and training, Florence Nightingale revolutionized the nursing field and was hailed as the founder of modern nursing. Though everyone in the modern nursing industry knows her name, there are still other notable nurses who helped shape the rich context of the nursing history.


Dorothea Dix (1802-1887)

Back in the old times, people with mental disabilities were treated as lunatics and they were locked away. Even the great philosopher Aristotle proclaimed this—“Let there be law that no deformed children shall live.” Despite how inhumane the society treated the mentally challenged individuals, Dorothea Dix stood up for them. She spent more than 20 years of service in the mental asylums of the US improving the health condition of the patients. She’s also a known nurse activist during the chaotic period of the Civil War.


Walt Whitman (1819-1892)

Avid literature lovers know Walt Whitman as a poet, the author of the controversial poetry collection entitled “Leaves of Grass.” This poetry collection stirred up several opinions of the public because of its overt sexuality. Even Whitman’s sexuality formed a heated debate. Nevertheless, let’s leave it at that and set our eyes to his other great achievements as a volunteer nurse during the Civil War. He tended to the wounded soldiers, listened to their stories, and did them a favor of sending letters to their loved ones.


Clara Barton (1821-1912)
From a teacher to a recording clerk and to a nurse, Clara Barton was able to make a name in the nursing history because of her efforts to solve medical supply shortage during the Civil War. If not for her, no one could fully help the sick and the wounded since medical supplies were very much necessary. She was then known as the “Angel of the Battlefield.” And the American Red Cross? She’s the founder of this today’s large health relief organization.


Mary Eliza Mahoney (1845-1926)
Mary Mahoney made the breakthrough for being the first Registered African-American Nurse. Perhaps you are mostly aware that racism was very strong especially during the Civil War period. However, Mahoney did not budge an inch against this discrimination issue. She persevered in her studies in a nursing school; and out of 42 candidates, only four students graduated–and she was among the few students who gracefully finished nursing school. She was also the co-founder of the National Association of Colored Graduate Nurses which is now known as the American Nurses Association.


Margaret Sanger (1879-1976)
She’s the pioneer of introducing reproductive health or planned parenthood. She helped educate the public, especially women, on how to use contraceptives for birth control. She had created this movement because of the increasing toll of unwanted pregnancies. She then opened the first birth control clinic in America. However, her clinic was forced to close after a few days of opening because it’s illegal. Though some viewed her legacy as immoral, more and more families today are positively accepting the use of contraceptives to prevent unwanted pregnancies.

Sunday, January 31, 2016

Dr. Wong's Sulfur Soap Para sa Pangangati ng Balat

Sa tuwing mag-gegeneral cleaning ako sa bahay, nangangati ang balat ko dahil sa mga nagliliparang alikabok at balahibo ng aking mga alagang hayop.

Mabilis pumula at mamantal ang aking balat na para bang kinagat ng lamok. Sa sobrang kati, hindi ko maiwasang kamutin kaya naman kung minsan nagkakapeklat pa ako.

Kaya bumili ako ng Dr. Wong's Sulfur Soap. Ang sabon na ito ay mabisang germicide, fungicide at parasiticide.

dr. wong's sulfur soap


Sa kaso ko naman, guminhawa ang pakiramdam ko nang simulan ko itong gamitin. Naliligo ako gamit ang Dr. Wong's Sulfur Soap bago matulog sa gabi. Ginamit ko ito sa loob ng isang buwan at nabawasan ang pangangati ng aking balat at lumabo din ang aking mga peklat sa hita at binti.

Masasabi kong mas epektibo ang Dr. Wong's Sulfur Soap kaysa sa Dr. Kaufmann Medicated Sulfur Soap. Sinubukan ko din kasi gamitin ang Dr. Kaufmann sa loob ng isang buwan kaso nangangati pa rin ang balat ko at hindi nawawala ang mga peklat ko. Kaya ko sinubukang gamitin ang Dr. Kaufmann kasi sulfur soap din naman siya at mas mura pa sa Dr. Wong's. Pero hindi epektibo sa akin.

Kaya kung mabilis din mangati at magpeklat ang balat ninyo, mas mainam na gamitin ang Dr. Wong's Sulfur Soap.

Friday, January 29, 2016

Home Remedy Para sa Masakit na Ngipin Kung Hindi Makabili ng Gamot

gamot sa masakit na ngipin

Karamihan sa ating mga Pinoy ay walang pambili ng gamot, o sadyang nanghihinayang lang na gumastos. Kaya kahit sumasakit nang todo ang ngipin, hahayaan na lang at titiisin hanggang sa mawala ang sakit.

Kung hindi talaga makakabili ng gamot para sa masakit na ngipin, pwede mo pa ring lapatan ito ng lunas sapagkat mayroong mga gamot para dito na matatagpuan lamang sa iyong kusina. Nais ko lamang ibahagi ang lunas sa sakit ng ngipin na aking ginawa.

  1. Magpakulo ng tubig.
  2. Isalin ang pinakuluang tubig sa isang baso o tasa.
  3. Haluan ng isang kutsaritang asin.
  4. Lagyan ng tinadtad na bawang (mga 2-3 cloves)
  5. Haluin ang mga ito at hayaang medyo mawala ang sobrang init bago imumog.
Ginamit ko ang lunas na ito nang sumakit ang ngipin at namaga ang gilagid at pisngi ng aking kapatid. Hindi na kasi tumalab ang iniinom niyang pain reliever kaya naghanap ako ng alternatibong solusyon.

Ayon sa aking pananaliksik sa posibleng home remedies para sa masakit na ngipin, ang asin ay mainam na pampawala ng pamamaga ng gilagid samantalang ang bawang naman ay mayroong anti-bacterial properties na pumupuksa ng impeksiyon sa ngipin.

Ang madalas kong nababasang paghahanda sa home remedies na ito ay ang pagdurog ng bawang at hahaluan ito ng asin. Pagkatapos maihanda, ang mga ito ay direktang ipapahid at imamasahe sa apektadong ngipin.

Naisip kong medyo masakit ang ganitong paraan kaya naisipan kong ihalo na lamang ang mga ito sa mainit na tubig para mumugin. Isa pa, ang pagmumog ng mainit na tubig ay nakapagbibigay ginhawa at nakakatulong sa pagtanggal ng pamamaga.

Pagkatapos mumugin ang lunas na ito, magpahinga o matulog. Nawala ang pamamaga at sakit ng ngipin ng aking asawa pagkalipas ng dalawang oras. Bagamat hindi ito kasingbilis umepekto ng mga mamahaling pain reliever, nakatulong pa rin ito para maibsan ang masakit niyang ngipin.

Kung patuloy pa ring sumasakit ang iyong ngipin, pinaka-mainam na gawin ay magpa-check up na sa dentista.

Tuesday, January 26, 2016

Mga Pangunahing Lunas Kapag Inatake ng High Blood Pressure o Altapresyon

first aid sa inatake ng altapresyon

Kadalasan, masasabing ikaw ay may high blood pressure o altapresyon kapag ang iyong blood pressure (BP) ay pumatak sa 140/90 o mas mataas pa dito.

Mas mataas ang tiyansa mong magka-altapresyon kung ikaw ay:

- may edad na
- nasa isang stressful na sitwasyon 
- mataba
- palakain ng maaalat na pagkain
- mahilig mag-inom
- naninigarilyo
- may diabetes
- o talagang nasa lahi niyo na

Ang mga sintomas ng altapresyon ay maaaring alinman dito:

- pananakit ng ulo
- pananakit ng batok
- pananakit ng mata, panlalabo ng mata
- panghihina
- hirap sa paghinga
- pananakit ng dibdib
- panlalamig
- pangangapal ng labi
- pangangapal ng tainga

Kapag inatake ng altapresyon, gawin ang alinmang naaangkop na pangunahing lunas na nakasaad dito:
  1. Uminom ng tap water o maligamgam na tubig. Ang tubig ay nakakapagpababa ng sodium o asin sa katawan na nakakapagpataas ng presyon. Hanggat maaari, uminom lamang ng tap water o maligamgam na tubig kaysa malamig na tubig. Ang maligamgam na tubig kasi ay nakakatulong sa pagpapaluwag ng blood vessels o mga daanan ng dugo.
  2. Uminom ng pineapple juice. Kung ikaw ay inatake ng altapresyon, tumataas ang iyong sodium level. Kaya para pababain ito, kailangan mong uminom ng mga inumin na mayaman sa potassium gaya ng natural na pineapple juice. Ang potassium ay tumutulong magbalanse ng blood pressure sa katawan, at ang fibers na matatagpuan sa pineapple juice ay winawalis ang mga kolesterol na nakabara sa blood vessels.
  3. Kumain ng hilaw na bawang. Kapag tumataas ang iyong presyon, naninigas at naninikip ang iyong blood vessels. Dahil dito, hindi makadaloy nang maayos ang iyong dugo. Ang pagkain ng hilaw o sariwang bawang ay may kakayanang i-relax ang muscles ng iyong blood vessels. Kung makakadaloy nang maayos ang dugo, bababa ang iyong presyon.
  4. Pagsuka ng mga kinain. Kung ang naging dulot ng altapresyon ay pagkain ng mga nakaka-highblood na pagkain, isuka ang mga ito. Base sa personal na sitwasyon, guminhawa ang aking pakiramdam nang isinuka ko ang aking kinaing taba ng talangka. Makalipas ang ilang minuto, nawala ang aking pananakit ng batok, panlalamig at panghihina.
  5. Magpahinga. Dahil ang mataas na presyon ay nagdudulot ng pagkahilo at panghihina, mas mainam na magpahinga muna kaysa magkikilos. Kung maaari, matulog nang nakadapa para bumaba ang presyon.
  6. Uminom ng gamot. Ang karaniwang anti-hypertensive na gamot na ibinibigay ng mga doktor para pababain ang presyon ng kanilang pasyente ay isang tableta ng Captopril 25 mg o kaya naman ay Clonidine 75 mcg. Inumin ang alinman sa mga gamo na ito. Kung gusto mo namang mabilis na umepekto ang gamot, hayaang matunaw ang gamot sa ilalim ng dila.

Tandaan, ang pagkonsulta sa doktor ang pinakamainam na gawin kung ikaw ay inatake ng altapresyon para malaman mo ang pinaka-angkop na lunas. Maging maingat sa pag-inom ng mga anti-hypertensive na gamot na madaling mabili sa mga botika.

Sunday, January 24, 2016

First Aid sa Nahimatay: Ano ang Dapat Gawin?

first aid sa nahimatay

Nahihimatay ang isang tao kapag nagkulang ang dugong dumadaloy sa kanyang utak. Kung ikaw ay may nakitang taong nahimatay, ito ang mga maaari mong gawin para makatulong.

  1. Bigyan ng sapat na bentilasyon. Dalhin ang nahimatay sa lugar na may sapat na bentilasyon. Alisin ang pasyente sa siksikang lugar o sa palibot ng mga taong nakikiusyoso. Kung wala talagang lugar na mas maginhawa, paypayan ang nahimatay para magkaroon ng kaunting hangin.
  2. Ihiga ang nahimatay. Kung pwedeng makahiga ang nahimatay, pahigain ito nang nakataas ang mga paa para makadaloy ang sapat na dugo papuntang utak.
  3. Paupuin. Kung hindi naman makakahiga, paupuin ang nahimatay nang nakatungo. Idikit ang ulo sa pag-itan ng mga hita habang nakaupo.
  4. Alisin ang masisikip na pananamit. Para madaling makahinga ang nahimatay, alisin ang pagkakabutones ng bra, blusa o polo, pantalon at sinturon. Habang ginagawa ito, panatilihin pa rin ang privacy ng nahimatay.
  5. Huwag pipiliting painumin ng tubig. Ang taong nahimatay ay walang malay. Kung bibigyan mo ang pasyente ng tubig, maaari siyang mabulunan; mas delikado. Kaya hindi totoo ang mga napapanuod sa TV at sabi-sabi ng matatanda na dapat painumin agad ng tubig ang nahimatay.

Must Read

loading...