Thursday, March 31, 2016

Toothpaste Para Sa Paso. Pwede Ba Talaga Ito?

Noong napaso ang tuhod ko noong bata pa lamang ako, ang lunas na ginawa ng nanay ko ay pahiran ito ng toothpaste at pinagbilinan akong huwag pisain ang blister (lumobong paso na nagtubig).

Bakit naging pangkaraniwang gamot ang toothpaste sa paso?


Tinanong ko ang nanay ko, bakit toothpaste eh pang-ngipin yun. Ang sabi niya malamig kasi ang toothpaste kaya nakakatulong ito sa pagkawala ng init ng paso. At nakakatulong ito para mawala ang nararamdamang sakit ng pagkapaso dahil may "numbing properties" ito o pampamanhid.

Gumaling naman ang aking paso ng toothpaste lamang ang ginagamot sa tuhod ko.

Pero gamot ba talaga ang toothpaste sa paso?


Noong hindi na ako isang musmos at mas nagkaisip na ako, hindi pala talaga okay na pahiran ng toothpaste ang paso.

Bagamat maraming health websites o home remedy websites ang sumasang-ayon sa pagpahid ng toothpaste sa paso, ang ilang mga doktor ay hindi sang-ayon dito lalung-lalo na kung may "open wound" o sugat ang napasong parte ng katawan.

Kaya hindi nirerekomenda ng mga doktor na pahiran ng toothpaste ang paso kasi ito ay hindi "sterile" - hindi malinis kumbaga. At kapag pinahiran ng hindi sterile na bagay ang anumang sugat gaya ng paso, maaaring magka-impeksyon.

Ano ngayon ang pinakamainam na gamot para sa paso?


Imbis na toothpaste, ipinapayo ng mga doktor na itapat lamang ang napasong parte ng katawan sa ilalim ng dumadaloy na tubig sa gripo para maibsan ang init at sakit ng paso. Kusa na itong maghihilom pagkalipas ng mga ilang araw.

Para sa malalang paso, kailangan nang dalhin sa ospital.


Photo Credit:

From Home Remedies World

Friday, March 25, 2016

Gamot sa Pagtatae o LBM

Ang sanhi ng pagtatae o LBM ay iba't iba ang dahilan. Pero ang pinaka-pangkaraniwan kung bakit nasisira ang iyong tiyan ay dahil sa may nakain kang sirang pagkain o nakainom ka ng maruming tubig.

Para gamutin ang pangkaraniwang pagtatae, gawin ang mga sumusunod:


Palitan ang nawalang tubig sa katawan. 


Kada pagkatapos magtae, uminom ng tubig. Kung sa karaniwan ay inaadvise na uminom ng 8 basong tubig sa isang araw, gawin itong 10 basong tubig.

Pwede ring uminom ng sports drink gaya ng Gatorade sapagkat nakakatulong itong manumbalik ang iyong lakas at pinapalitan nito ang nawalang electrolytes sa katawan gaya ng sodium at potassium.

Huwag agad uminom ng gamot sa pagtatae. 


Inaadvise ng mga doktor na huwag muna agad uminom ng gamot sa pagtatae gaya ng Loperamid (Imodium). Hayaan munang makadumi ang nagtatae para mailabas ang anumang nakaing panis na pagkain o kontaminadong tubig. Base sa aking karanasan, hinahayaan ko munang makadumi ako ng 3 beses bago ako uminom ng Loperamide.

Mga dapat iwasang kainin at dapat kainin kapag nagtatae:


Kapag nagtatae, huwag muna kumain ng pagkaing magatas, mamantika at matataba. Huwag din munang magkape at uminom ng alak. Sapagkat ang mga pagkaing ito ay nagpapalala ng pagkasira ng tiyan.

Pinakamainam na kainin ng nagtatae ay sopas ng manok, gelatin at lugaw. Pakainin din ang nagtatae ng saging at mansanas para tumigas ulit ang kanyang dumi. Kung gusto naman kumain ng tinapay, pwede ang plain flavor ng Skyflakes.



Ang pagtatae ay kadalasang nawawala sa loob ng 2-3 araw. Pero kung mahigit na dito at sobrang lala na ng pagtatae (sobrang panghihina, lubog na lubog ang mga mata, may dugo ang dumi, at iba pa), dalhin na ang pasyente sa ospital.


Sources:

http://kalusugan.ph/ano-ang-gamot-sa-pagtatae-o-diarrhea/
http://www.philstar.com/psn-opinyon/2014/02/06/1287202/pagtatae-ano-ang-solusyon

Tuesday, March 22, 2016

Gaano Kadalas Dapat Inumin ang Bioflu

Ang Bioflu ay kilalang gamot para sa lagnat at trangkaso. Kumpara sa simpleng brand ng Paracetamol, ang Bioflu ay may kakayanan na lunasan ang baradong ilong, sipon, pagbahing, pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at lagnat.

Bioflu: Frequency ng pag-inom nito


Ang mga simpleng gamot sa lagnat ay karaniwang ipinapainom tuwing ika-4 na oras. Pero kung ang iyong gamot ay Bioflu, huwag itong ibigay tuwing ika-4 na oras.

Ayon sa Unilab at product details ng Bioflu, ito ay dapat inumin tuwing ika-6 na oras (Halimbawa: 12 noon - 6 pm - 12 mn - 6 am).


Kaya naman mga kababayan, napaka-importanteng magbasa.

Tuesday, March 8, 2016

Ano ang Dapat Gawin Kapag Mababa ang Presyon?

gamot sa low blood pressure

Masasabing ikaw ay may low blood pressure o mababang presyon ng dugo kung ang iyong presyon ay nasa 90/60 mmHg o mas mababa pa dito.

Sintomas ng low blood pressure

Ang sintomas ng low blood pressure ay halos hindi nalalayo sa mga sintomas ng mataas na presyon gaya ng:
  • pananakit ng ulo
  • pagkahilo
  • panlalabo ng mata
  • panghihina
  • panlalamig
  • pagkahingal o mabilis na pagkapagod

Ang iba pang unique na sintomas nito ay:

  • mabilis ngunit mahinang pulso
  • pagkauhaw
  • kawalan ng focus at depresyon
  • pananakit ng tiyan 
  • pamumutla ng balat
  • pagkahimatay 

Ano ang dapat gawin para maibsan ang mababang presyon ng dugo?


Narito ang mga simpleng lunas para sa iyong low blood pressure:
  • Uminom ng maraming tubig para maibsan ang pagkauhaw.
  • Kumain ng mga pagkain na medyo maalat sapagkat ang sodium na galing sa maaalat na pagkain ay nakakatulong makapagpataas ng presyon.
  • Mag-unat unat nang bahagya o igalaw-galaw ang mga kamay at paa para may dumaloy na dugo sa katawan at mawala ang iyong pamumutla.
  • Kung ikaw ay hinihingal o napapagod pa, humiga ng mas mataas ang ulo kaysa paa, o kaya ay umupo na lamang.
  • Kumain nang madalas pero untian lamang ang iyong pagkain para hindi ka manghina.
  • Magsuot ng compression stockings o kahit medyas para dumaloy ang mas maraming dugo sa iyong upper body.

Mayroon bang iniinom na gamot para sa low blood pressure?

Ayon sa WebMD, ang mga karaniwang gamot na binibigay sa mga taong may low blood pressure ay Fludrocortisone at Midodrine. Bago uminom ng mga gamot na ito, siguraduhin munang nagpa-checkup ka sa doktor.

Pero kadalasan, ang simpleng low blood pressure ay hindi na nangangailangan ng medikasyon at maaaring bumalik sa normal ang iyong presyon kung gagawin mo ang mga home remedies na nakasaad sa taas.

Must Read

loading...